(Dahil napahiya ako kanina. Hindi ko na ikukwento kung paano. Isinulat ko na lang ito pang-release. Aaaaarrggghhhh!!!)
PERIODICALSKasi di mo binasa ang directions sa exam. Bagsak ka na nga, ginawa ka pang bad example ng teacher mo. Na crush mo. Pero siyempre di niya alam. Siya lang ang hindi nakakaalam. Limampu kayo sa klase. Tsismosa ang kalahati. Pagdating ng lunch ay sikat ka na sa buong eskwelahan.
Syempre iniiisip mo lang ito. Imposible namang kilala ka nilang lahat.
Eh bakit may mga humahagikgik pagpasok mo sa cubicle sa CR ng elementary?
Dahil sa elementary side ka pa nag-CR, na-late ka tuloy sa klase mo ng ala una.
Nakasimangot si ma'am.
"Don't sit down anymore Miss _____, you may take your place in front of the class for your practical exam. I will give you a minute to compose yourself before your declamation."
Lahat ng dugong inipon mo sa mukha mo simula nu'ng umaga, simula nu'ng malaman mong maling-mali ang ginawa mo sa exam ni sir, na-flush lahat papunta sa talampakan mo. Matagal kang hindi humihinga. Oo nga pala, ngayon 'yun...
"Miss _____? We're waiting."
Nakataas ang kilay at nakangiti ang kaklase mong galit sa 'yo. Galit siya sa 'yo dahil...bakit nga ba? Dahil kapitbahay mo 'yung crush niya at lagi kayong nagkakasabay sa umaga?
"If you're not ready today Miss ____, I can give you another chance tomorrow, however I will deduct twenty points from your total score."
Nag-math ka agad. One hundred minus twenty. Eighty na ang pinakamataas na pwede mong makuha. Pwede na 'yun. Kung makaka-one hundred ka.
"Ma'am I will recite today ma'am, can I go later?" Nagbabakasakali ka.
"Minus ten."
Bakit naman kasi napakamalas mo ngayon. "Okay ma'am, later ma'am." Balik sa upuan. Mabigat ang pakiramdam mo, dahil siguro sa limampung pares ng matang nakatingin sa 'yo.
Hinalungkat mo ang bag mo. May sinulat ka na dati, sa library, habang hinihintay mong mag-alas singko. Hanggang alas singko kasi ang klase ni sir sa fourth year. Katapat lang ng library ang faculty room. Baka dumaan si sir, masulyapan mo man lang ay ayos na, pabaon na 'yun pauwi.
Nandun, nakaipit sa notebook. Tungkol sa kalayaan at kakayanan ng bawat tao na mamili ng sariling hinaharap. Binasa mo nang mabilis. Samantala, nagde-declaim na ang kaklase mong kulang na lang ay ipasampal ka sa ate niyang muse ng liga. Magaling siya. Tunog stateside. May dimples sa pisngi. At sinunod niya ang directions sa exam ni sir.
Hindi mo na kailangang i-memorize ang sinulat mo. Alam mo na lahat ito. Naririnig mong tumitibok ang puso mo. Lumulundag ka sa bawat tawag ng teacher sa susunod na magre-recite.
"Miss ______, are you ready now? Let me remind you that you have already earned demerits for not being prepared. I gave you this assignment one month ago."
"Yes ma'am." Tayo. Lakad sa harap. Hingang malalim. Lunok.
"When I was five years old, my mother died. My father said to me..."
KRIIIIIIING!!! End of period.
"Please continue, Miss _______. We can extend a few minutes. Class, please listen to your classmate."
Nawala ka na sa buwelo. Naghahanda na para sa susunod na subject ang mga kaklase mo. "M-my father he said, anak, your mother is died, but he--she will forever be..." May mga nagtatawanan na sa likod.
"Class, quiet! Pay attention!"
May kumatok sa pinto. Sumilip sa loob. Si sir!
"Excuse me madam, may I have a word?" Ang gwapo-gwapo talaga niya. Matangkad, makapal ang kilay at pilikmata, moreno, at mukhang madalas mag-toothbrush. Laging mabango. Di ka na nakapagsalita.
Tinignan ka niya. nagdugtong ang dalawang napakagwapong kilay, pero wala siyang sinabi.
Tumayo si ma'am. "Excuse me class, I have to discuss something with Mr. ____ here. Miss _____, we will have to continue tomorrow. We have no more time." Eh bakit siya nakangiti?
Tumili ang klase nu'ng lumabas si ma'am. "Ang sweet-sweet naman ni sir no, sinundo talaga si mam sa classroom..." "Sinagot na ba ni mam si sir?" "Oo naman, magka-holding hands nga sila pauwi kagabi, nag-date muna sa Chowking, nakita namin!"
Hindi ka na nila pinapansin. Balik sa upuan.
Dalawang oras na lang, uwian na.
Hindi ka na muna magla-library.
Bukas na lang ulit.