KUMIRIRING ang telepono nang madaling araw....
"Hello, Master Carlos? Si Arnaldo po ito, 'yung katiwala niyo sa bahay-bakasyunan niyo."
"O, Mr. Arnaldo, ikaw pala. Ano't napatawag ka? May problema ba?"
"Um, napatawag lang po ako para abisuhan kayo na namatay ang alaga niyong parrot."
"'Yung parrot kong si Pikoy, patay? 'Yung nanalo sa bird show?"
"Opo, Master Carlos, 'yun na nga po."
"Putris ... sayang! Ang laki pa naman ng nagastos ko sa ibong 'yon. Hay, buhay! Teka, ano nga ba ang ikinamatay niya?"
"E, kumain po kasi ng bulok na karne...."
"Bulok na karne? At sino namang salbaheng tao ang nagpakain sa kanya ng bulok na karne?"
"W-Wala po. Nanginain po siya ng karne ng isang patay na kabayo."
"Patay na kabayo? Anong patay na kabayo, Mr Arnaldo?"
"E, 'yun pung mga thoroughbred horses niyo, Sir. Namatay po kasi lahat sila sa pagod, kahihila ng kariton ng tubig."
"Nasisiraan ka na ba ng bait? Anong kariton ng tubbbiiiiggggg?"
"'Yun pong pinampatay namin ng sunog."
"Diyos ko po! Anong sunog naman 'yang pinagsasasabi mo?"
"'Yun pong halos tumupok sa bahay niyo.... Tumumba po 'yung isang nakasinding kandila, tapos nagliyab 'yung kurtina at mabilis na kumalat ang apoy...."
"Ano? Puuut.... E, may kuryente naman diyan sa bahay-bakasyunan, a. Para saan 'yung kandila?"
"Para sa burol po."
"Ano? Kaninong burol?"
"Sa nanay n'yo po, Sir. Bigla kasi siya dumating dito nu'ng isang gabi, walang kaabi-abiso. Lampas hatinggabi na. Akala ko po magnanakaw. Binaril ko."
No comments:
Post a Comment