*ang kwentong ito ay kasaysayang-utak, at walang kinalaman ang nagmamay-ari ng utak sa mga pangyayaring nakapaloob dito. kung ika'y natatakot malaman, mangyari lamang po na huwag nang basahin. para na rin sa ikagagaan ng loob ng may katha. maraming salamat.
----------------------------------------------------------------------------
BAKIT SA AKING PAGTULOG, UMIINDAYOG PA RIN ANG ULIRAT?
Napanaginipan ko nanaman siya kagabi. Hindi ko alam kung bakit tuwing napapanaginipan ko siya ay hinahalikan ko siya. Pangalawang beses pa lang naman--ito lang 'yung naaalala ko. Mayroon daw tayong mga panaginip na hindi na natin natatandaan. Inisip ko bang panaginip iyon habang ako'y nananaginip? Hindi. Pero kagabi (o ngayong umaga), na-kontrol ko kung gaano katagal pa kami magkasama.
Isang mahabang pagpapaalam: mga kalsadang tinatawid, hanggang sa ako'y ihatid sa isang tila terminal o sakayan ng tren. Pailalim. Paalam, at dadaan sa pintuan, o bababa sa hagdanan. Tapos nandun siya ulit. Paalam ulit, hanggang sa hindi ko na alam kung ano pa ang ginagawa niya, at ginagawa ko, roon. Doon ko nga ba nahawakan ang kanyang kamay?
Ay, hindi. Bago pa dun. At noong kinuha ko ang kanyang kamay tinignan ko siya, hinahamong bawiin niya ang kamay na hawak ko.
Sa istasyon na tren umupo kami sa sahig (sa istasyon nga ba? o sa ibang lugar? --ay ewan, mahalaga pa ba ito? Basta't umupo kami at puti ang sahig.). Halos magkatapat. Malapit sa aking kamay ang kanyang kamay. Nagtagpo.
Kailan nangyari ang halik sa panaginip na ito? Hindi ko na matandaan. Upang magtagal pa ay hindi ako (kami) tumigil, at dahil ako ang may-ari ng panaginip, ginawa ko ang nais kong gawin. Siguro iniisip ko rin na mawawala nanaman siya. Na hindi ito totoo, at magigising din ako.
* * * * * * * * * * * * * *
may dahilan kung bakit ko siya napanaginipan (ulit) kagabi. hindi ako makatulog. gustong matulog ng katawan ko ngunit ayaw magpatalo ng pag-iisip. siguro sa gitna ng pagtatalo ng isip at katawan ay naisip ko siya. siguro hindi sapat para kay isip ang ginawa nila mata. siguro bitin si isip sa nangyari kay kamay. siguro naawa si isip kay katawan at naisipang hayaan na ring makatulog. siguro natuwa rin kahit papaano si isip kaya nagluto ng masarap na panaginip.
* * * * * * * * * * * * * *
may dalawang naglalabang kaisipan:
- Panaginip lamang ito, kathang-isip, natural na proseso ng utak sa pagtulog, at hindi dapat bigyan ng kahulugan.
- Panaginip ito, ang paraan ng utak para ma-proseso ang mga pangyayari sa buhay, at pinaniniwalaang makapagbibigay ng 'solusyon' o kasagutan sa mga dinaramdam na mga problema o sitwasyong kinasasangkutan (sa tulong ng mga eksperto sa sikoanalisis).
huwag na natin masyadong isipin kung alin ang ating paniniwalaan; wala rin namang patutunguhan.
BARYA LANG PO SA UMAGA.
------------------------------------------------------------------------------
At para sa iba pang nagbabagang balita,
Rej, veklang muret ka, matapos ang halos sampung buwan ay makikita na ulit kita sa susunod na linggo. Ihanda mo na ang mga pusa at magtimpla na ng mainit na tsokolate. Mahabang kwentuhan 'to. [Pakamusta kay Fafa Fitz! Salamat in advance sa board & lodging!]
No comments:
Post a Comment